FILIPINO BOOK: MODERNONG ALAMAT NG LANGAW w/ TAGALOG SUBTITLES
Modernong Alamat ng Langaw
Kuwento ni Segundo Matias, Jr.
Guhit ni Beth Parrocha-Doctolero
Noong unang panahon, sa isang lugar sa mundo na hindi na matukoy kung saan, may isang hari na nagngangalang Lang-ao.
Malaki ang kaharian na nasasakupan niya. Kilala ang kahariang iyon dahil sagana ang pagkain doon.
Labis-labis ang panustos ng mga prutas at gulay. Ang mga hayop ay sagana rin sa pagkain kaya malulusog ang mga ito.
Pero may kakaibang pag-uugali si Haring Lang-ao.
"Tawagin ang kusinera!" singhal niya isang umaga sa isang utusan habang nasa harap siya ng pagkain.
"Mahal na Hari, bakit po?" tanong ng dumating na si Senyang Kusinera.
"Ang kanin! Hindi masarap ang kanin na ito!"
"Ano po ang hindi ninyo gusto sa kanin, Mahal na Hari?" takot na muling tanong ng kusinera.
"Hindi ko makakain ito! Malabsa! At ang sinigang na niluto mo, kulang sa asim!
Itong gulay naman, walang lasa! At itong litson, bakit hindi malutong?
Hindi ko makakain ang mga ito! NawaIan na ako ng gana!" Galit na itinapon ng hari ang mga pagkaing nakahain sa mesa.
Walang nagawa si Senyang Kusinera kundi pulutin ang mga pagkain sa sahig.
Lumipas ang ilang araw. Sinalakay ng mga dayuhan ang malaking bahagi ng kaharian.
Mula sa bintana ay nasaksihan ni Haring Lang-ao ang labanan ng kanyang mga kawal at ng mga dayuhan. Marami sa kanyang mga kawal ang nasugatan at namatay.
Hindi nagtagal ang digmaan. Nagwagi ang mga dayuhan.
"Ipagpaumanhin po ninyo, Mahal na Hari. Sadyang napakarami ang mga dayuhang kawal.
Napakarami rin at pulos makabago ang kanilang mga sandata," paliwanag ng pinuno ng mga kawal kung bakit nasakop ng mga dayuhan ang kalahati ng kaharian.
Pero hindi nabahala si Haring Lang-ao sa pangyayari. Higit na mahalaga sa kanya kung ano ang ulam na ihahain sa kanya tuwing oras ng pagkain.
Minsan sa harapan ng hapag-kainan... "Senyang! Senyang!" singhal ng hari.
"Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na ayokong inuulit ang pagkain? Ito ang ulam kaninang tanghali!
At ngayong hapunan, ito pa rin? Hindi ba't iyan ang bilin ko sa iyo lagi? Huwag na huwag kang nag-uulit ng pagkain!" galit na sabi niya sa kusinera.
"Pero, Mahal na Hari, ang dami pa pong ulam na natira. Sayang naman kung magluluto pa ako..." malumanay na pangangatwiran ng kusinera.
"Wala akong pakialam!" Pagkasabi niyon ay itinapon ng hari ang pagkain. Muli, pinulot ni Senyang Kusinera ang itinapon na pagkain sa sahig.
Sayang naman ito. Sana'y ibinigay ko na lamang sa mga anak kong nagugutom ang mga pagkain, sabi ni Senyang Kusinera sa isip. Iyon ang lagi niyang nasasabi sa sarili tuwing pinupulot niya ang mga pagkaing itinapon ng hari.
Sa kanyang diwa ay nakikita niyang maligayang kumakain sa harap ng hapag-kainan ang kanyang mga anak. "Sayang..." bulong niya.
Pagkalipas ng ilang araw, muling sumalakay ang mga dayuhan sa kaharian ni Haring Lang-ao. Nakapasok ang mga ito sa palasyo.
Pinalayas ng mga dayuhan si Haring Lang-ao at kinamkam ng mga ito ang lahat ng kanyang ari-arian at kayamanan.
Iniwan na rin siya ng kanyang mga kawal at mga utusan, maliban kay Senyang Kusinera na nanatiling tapat sa kanya.
Nakiusap si Haring Lang-ao sa mga dayuhan na manatili siya kahit sa kamalig lamang ng palasyo dahil wala siyang matitirahan. Pumayag naman ang mga ito sa pakiusap niya.
Minsan, habang kumakain siya... "Senyang! Senyang!" galit na sigaw niya.
"Bakit po, Mahal na Hari?"
"Bakit callos ang ulam? Hindi ako kumakain ng callos, alam mo 'yan. Nawalan na ako ng gana! Hindi na ako kakain!" Itinapon niya ang pagkaing nakahain sa mesa.
Sa hindi maintindihang pakiramdam, umusbong ang galit sa dibdib ni Senyang Kusinera.
"Sumosobra na kayo... Hindi n'yo ba alam na importante sa akin ang bawat pagkaing itinatapon ninyo sa hapag-kainan?
Nagugutom ang mga anak ko sa bahay namin. Kung ang pagkaing itinatapon ninyo ay ipinakakain ko na lang sana sa kanila hindi lamang sila matutuwa kundi matutugunan ko pa ang pangangailangan nila para lumaki silang malulusog.
"Masyado kayong pihikan at maselan sa pagkain. Dapat ay kainin ninyo ang kung ano man ang ihanda sa inyo. Mula ngayon, kakainin ninyo ang lahat ng pagkain na ihahain ko!"
Hindi nakapagsalita si Haring Lang-ao sa narinig mula sa kusinera.
"Dapat ay maparusahan kayo ni Bathala at ng lahat ng mga Diyos at Diyosa sa inyong maling pag-uugali."
Hindi na nakasagot pa si Haring Lang-ao. Bigla ay may naramdaman siyang kakaiba sa kanyang sarili. Unti-unti, naramdaman niyang lumiliit ang kanyang katawan at hindi siya makapagsalita.
"Aaah!"
"Sana ay isipin n'yo rin ang mga taong nagugutom bago n'yo itapon sa sahig ang pagkain—"
Ngunit napahinto si Senyang Kusinera sa sinasabi nang makita nitong nagbabago ang anyo ng hari.
Unti-unting lumaki ang mga mata ni Haring Lang-ao. Lumuwa pa ang mga ito. Paliit pa rin nang paliit ang kanyang katawan.
Kitang-kita ni Senyang Kusinera ang pagbabago ng hari: Nagkaroon ito ng mga pakpak! Pagkatapos ay pumutok ang katawan nito at lumitaw mula roon ang isang insekto.
Naging isang insekto si Haring Lang-ao! Nagsimulang lumipad-lipad ito sa paligid, at pagkatapos ay tumungo sa pagkain.
Nagimbal si Senyang at dagling napalabas ng kamalig. Hindi niya makakalimutan ang pangyayaring iyon.
Mula noon, tuwing nagluluto si Senyang Kusinera ay lagi niyang nakikita sa kusina ang insektong iyon.
Kahit sa paninilbihan niya sa ibang kaharian ay palagi niyang nakikita iyon, lilipad-lipad sa kusina at komedor, dumadapo sa mga pagkain.
Sa Kanyang pamamalengke, laging nakasunod ang insekto, nakadapo sa basket na kanyang dala-dala.
Dumadapo ang insekto sa lahat ng pagkaing makita nito, walang pinipiling pagkain!
At kahit sa dumi ay dumadapo rin ito!
Kaya tuwing makikita ni Senyang Kusinera ang insektong tinawag niya "Lang-ao," sa kusina man o sa hapag kainan, ay itinataboy niya ito.
Oo, itinataboy niya ang dating haring kanyang pinagsilbihan na siyang kauna-unahang - - - - langaw.