×

Usamos cookies para ayudar a mejorar LingQ. Al visitar este sitio, aceptas nuestras politicas de cookie.

Mga Kwentong Tagalog (Kids' Stories in Tagalog), FILIPINO... – Text to read

Mga Kwentong Tagalog (Kids' Stories in Tagalog), FILIPINO BOOK: MGA PAKIKIPAGSAPALARAN NI PILANDOK ni Wystan Dimalanta with TAGALOG Subtitles

Intermedio 1 de tagalo lesson to practice reading

Comienza a aprender esta lección ya

FILIPINO BOOK: MGA PAKIKIPAGSAPALARAN NI PILANDOK ni Wystan Dimalanta with TAGALOG Subtitles

Mga Pakikipagsapalaran ni Pilandok

Halaw sa Kuwentong Bayan ng Maranaw

Mga Larawan ni Juanito Sy

Istorya ni Wystan Dimalanta

MAHIRAP PA SA DAGA ang mga magulang ni Pilandok. Sa isang maliit na kubo sila nakatira at walang anumang kasangkapan liban sa paminggalang laging walang ulam.

Lalong tumindi ang kanilang paghihirap dahil ang lahat ng ani sa mga bukirin ay kinakamkam ng malupit na sultan. Minsan, narinig ni Pilandok ang balisang pag-uusap ng magulang.

"Ako ay mahina na. Hindi na kaya ng tuhod ko ang pangangaso sa gubat. Lalong hindi ko na kaya ang mag-saka," anang ama ni Pilandok. "Paano kaya ang ating anak?"

Narinig ito ni Pilandok. Tumayo siya at lumapit sa mga magulang. "'Wag po kayong mabahala. Ako'y malaki na at nais ko'y makapagsilbi naman sa inyo. Hayaan ninyong ako ang maghanap ng ating makakain."

"Ngunit, anak, tingnan mo ang iyong katawan. Simpayat ka ng kawayan. Di mo mabubuhat ni 'sangkabang palay," pag-aalala ng kanyang ina.

"At wala kang alam sa pangangaso o gawaing-bukid. Kung sakaling makita ka ng mga tauhan ng sultan, baka mapahamak ka, anak," dagdag ng kanyang ama.

"'Wag po kayong mag-alala," hinalikan ni Pilandok ang mga magulang at nagtungo siya sa gubat.

Palibhasa'y mahina at antukin, madaling napagod si Pilandok. Nakakita siya ng isang mayabong na punong mangga na ang sanga ay may malaking bahay-pukyutan.

"Reyna Bubuyog, maaari po bang magpahinga sa ilalim ng punong mangga?" paalam ni Pilandok.

"Oo, 'yun lang pala. 'Wag mo lang kaming gagamba-lain kundi'y pupupugin ka namin," babala ng bubuyog.

Naupo si Pilandok sa ilalim ng punong mangga. Di nag-tagal ay nagdaan ang Somusun sa Alongan na galing sa pangangaso.

Nakasakay siya sa puting kabayo na may kargang isang malaking usa. Nakita niya ang nakahigang si Pilandok.

"Ano ang ginagawa mo riyan?" "Binabantayan ko po ang pamana ng Sultan."

"Anong klaseng pamana ng Sultan ang iyong binabantayan?"

"Isa pong mahiwagang gong." At itinuro ni Pilandok ang malaking bahay-pukyutan.

"Mahiwagang gong? Bakit naging mahiwaga ang gong na 'yan?" usisa ni Somusun sa Alongan.

"A, ang tunog ng mahiwagang gong ay malambing na awit na maririnig hanggang sa ikapitong kaharian.

At ang mga prinsesang makarinig dito ay tiyak na iibig sa sinumang nagpatunog nito."

"Maaari ko ba itong patunugin?" usisa ng Somusun.

"Naku, hindi po puwede," sagot ni Pilandok. "Magagalit ang Sultan. At saka mga maharlika lang ang maaaring makapagpatunog sa mahiwagang gong."

"Ngunit ako ay maharlika rin. Ama ko ang Sultan sa Agama Niyog. Ibibigay ko sa 'yo ang aking kabayo at ang nahuli kong usa kung papayagan mo akong patunugin ang mahiwagang gong."

"Talaga po bang kayo ay maharlika?"

"Oo." "Kung gayon po ay payag ako. Ngunit ako po ay aalis muna bago ninyo patunugin ang mahiwagang gong. Baka abutan ako ng mga sundalo ng Sultan. Ako'y tiyak na mapupugutan ng ulo."

"Masusunod," sabik na sagot ng Somusun. Sumakay si Pilandok sa puting kabayong may kargang malaking usa at dali-daling umalis.

Nang malayo na si Pilandok, humanap ng kahoy ang Somusun sa Alongan at pinalo ang bahay pukyutan.

Galit na galit na pinupog ng mga bubuyog ang Somusun.

Nakahapunan na ang pamilya ni Pilandok ay di pa rin makapaniwala ang kanyang Ama at Ina na siya ang nakahuli sa usa.

Nangako si Pilandok na muling mangaso para sa susunod nilang hapunan. Muling nahiga si Pilandok sa duyan at natulog.

Galit na galit ang Sultan sa Agama Niyog, nang ikuwento ni Somusun sa Alongan ang panlilinlang sa kanya ni Pilandok.

Ipinatawag nito ang kanyang mga sundalo saka ang matapang na kapatid ng Sultan — si Sabandar.

"Hanapin ninyo ang isang nangangalang Pilandok at dalhin sa akin ang kanyang ulo."

Sabay-sabay na tumayo ang mga sundalo upang sundin ang utos ng Sultan.

Samantala, muling nagawi si Pilandok sa gubat. Naka-kita siya ng punong sampalok. May nakapulupot na malaking sawa sa sanga nito.

"Haring Sawa, maaari pong makapagpahinga sa ilalim ng punong sampalok?" paalam ni Pilandok.

"Oo, 'yun lang pala. 'Wag mo lang akong gagambalain sa pagtulog kundi'y lilingkisin kita hanggang mabali ang lahat ng iyong buto."

Naupo si Pilandok sa ilalim ng punong sampalok. Di naglaon ay nagdaan si Sabandar na may dalang piling ng saging.

"Lalake, ikaw ba si Pilandok?" tanong nito pagkakita kay Pilandok. "Ako nga po."

"A, kung gayon ay humanda ka!" hinugot ni Sabandar ang gintong espada.

"Ano po ang kasalanan ko?" "Pinapupog mo sa bubuyog ang Somusun sa Alongan!"

"Teka . . . baka po nagkakamali kayo. Dalawa ang nagngangalang Pilandok dito sa Agama Niyog.

Si Pilandok-sa-Gulod at akong si Pilandok-sa-Tumana."

"Hmm . . . maaari ngang hindi ikaw," pag-iisip ni Sabandar. "Pero ano ang ginagawa mo sa ilalim ng punong sampalok?"

"Binabantayan ko po ang mahiwagang sinturon ng Datu," itinuro ni Pilandok ang natutulog na malaking sawa.

"Mahiwagang sinturon ng Datu? Bakit naging mahiwaga ang sinturong 'yan?" usisa ni Sabandar.

"Mapagagaling ng sinumang makapagsuot ng mahiwa-gang sinturon ng Datu ang anumang sakit at lalakas pa siya ng sampung beses," paliwanag ni Pilandok.

"S'yanga ba?" sabik na usisa ni Sabandar. "Ako ay malakas ngunit minsa'y sinusumpong ako ng hika. Subukan ko kayang isuot ang mahiwagang sinturon."

"Naku, hindi po puwede," sagot ni Pilandok. "Bukod sa magagalit ang Datu, maharlika lamang ang maaaring makapagsuot ng mahiwagang sinturon."

"Ngunit ako ay maharlika rin. Kapatid ko ang Sultan sa Agama Niyog. Ibibigay ko sa 'yo ang aking gintong espada pati na ang napitas kong saging kung papayagan mo akong maisuot ang mahiwagang sinturon."

"Talaga bang kayo ay maharlika?" "Oo."

"E . . . sige po. Payag na po ako. Ngunit aalis po muna ako bago n'yo isuot ang mahiwagang sinturon. Kapag ako'y inabutan ng mga sundalo ng Datu, tiyak na pugot ang aking ulo."

Kinuha ni Pilandok ang gintong espada at ang piling ng saging saka dali-daling umalis.

Nang malayo na siya, kinuha ni Sabandar ang natutulog na sawa at ipinulupot sa kanyang baywang.

Nagising ang Haring Sawa at nilingkis si Sabandar hanggang magkabali-bali ang mga buto nito.

Naglakad si Pilandok at bitbit ang gintong espada at piling ng saging nang maamoy niya ang masasarap na pagkain sa hawlang bakal ng bruhang si Bulaon.

Natakam si Pilandok sa amoy ng inihaw na usa, baboy-damo at sariwang prutas.

"Bantayan mo ang aking pagkain. Magpapahinga muna ako," utos ni Bulaon sa bakulaw na bantay ng hawlang bakal.

Ikinandado ng bruha ang hawlang bakal at pumunta sa kuweba niya. Pagkaraan ng isang oras, lumapit si Pilandok sa bakulaw.

"Bakulaw, puwede ka na raw magpahinga, sabi ni bruha. Ako ang papalit sa 'yo sa pagbabantay ng pagkain," sabi ni Pilandok habang ibinibigay ang piling ng saging.

Dali-daling umalis ang bakulaw. Sa pamamagitan ng gintong espada, binuksan ni Pilandok ang hawlang bakal at kinuha ang masasarap na pagkain.

Nagmamadaling umalis si Pilandok at umuwi sa kanilang kubo. Nagulat ang kanyang ama at ina sa dalang pagkain ni Pilandok.

Matapos kumain, ipinangako ni Pilandok sa mga magulang na sa muli niyang pag-alis ang iuuwi naman niya ay kayamanan.

Naglalakad sa Gubat si Pilandok nang makita siya ni Bulaon. "Papatayin kita!" galit na sabi ni Bulaon.

"Teka, bakit po ninyo ako papatayin? Wala naman po akong kasalanan sa inyo."

"Hindi ba ikaw si Pilandok?" "Ako nga po."

"Kung gayon, ikaw ang nanloko sa bakulaw at tumangay sa aking hapunan."

"Nagkakamali po kayo. Dalawa po ang may pangalang Pilandok dito sa Agama Niyog. Si Pilandok-sa-Gulod at ako nga pong si Pilandok-sa-Tumana.

Hindi ko ginagawa ang ibinibintang n'yo kaya nasisiguro kong ang gumawa nuon ay si Pilandok-sa-Gulod," katwiran ni Pilandok.

"Hmm... maaaring hindi nga ikaw," nasabi ni Bulaon. "Ngunit kung hindi ikaw ang Pilandok na hinahanap ko, ano ang ginagawa mo rito?"

"Binabantayan ko ang bukirin ng mahiwagang tabako ng Datu." At itinuro ni Pilandok ang mga makakating damong sagai.

"Mahiwagang tabako ng Datu? Bakit naging mahiwaga ang tabakong 'yan?" usisa ng bruha.

"Ang sinumang ngumuya ng mahiwagang tabako ay gaganda na parang prinsesa at lahat ng makita ay iibig sa kanya."

"Ibibigay ko sa 'yo ang aking mahiwagang kapa kung papayagan mo akong makanguya ng mahiwagang tabako."

"Ano po ang magagawa ng mahiwagang kapa?"

"Kung isusuot mo ito, anumang kasuotan ang hilingin mo ay matutupad."

"Susubukan ko muna." Isinuot ni Pilandok ang mahiwagang kapa at hiniling niya ang damit ng isang Sultan. Biglang napalitan ng ma-rangyang damit ang kanyang suot. May diyamante pa at nagkikislapang mga hiyas.

"Payag na po ako. Ngunit ako po ay aalis muna bago kayo pumitas at ngumuya ng mahiwagang tabako. Baka abutan ako ng mga sundalo ng Datu, tiyak na ako'y pupu-gutan ng ulo."

Suot ang mahiwagang kapa, nagmamadaling umalis si Pilandok.

Nang malayo na siya, pumitas ng mga dahon ng sagai ang bruha at sabik na nginuya ito.

Napasigaw ang bruha nang mangati at mamaga ang kanyang bunganga.

Sakay ng puting kabayo, nagpunta si Pilandok sa bahay ng Sultan. Subalit ang malupit na Sultan pala ay napatay sa pakikipaglaban sa mga taga-karatig bayan na nais niyang sakupin.

Hindi nagdalawang-loob si Pilandok. Napalingon ang lahat sa kanyang marangyang kasuotan.

Inakala nilang siya ay isang dugong maharlika. Pagpasok niya, biglang nagpalahaw ng iyak si Pilandok.

"Amang Sultan, bakit mo kami iniwan!" sigaw ni Pilandok. "Bakit di n'yo sinabing patay na ang Amang Sultan ko?"

"Nagsilapit kay Pilandok ang mga kamag-anak ng Sultan. Hindi nila alam na may ibang anak ang Sultan.

"Ikaw ba'y tunay na anak ng aking Ama?" tanong sa kanya ng panganay na anak ng Sultan.

"Ako ay tunay niyang anak," matatag na sagot ni Pilandok. "Bakit di n'yo sinabi sa akin at sa mga mamamayan ng Bandiyar Masir na ang aking Amang Sultan ay patay na?"

Nasindak ang mga nakarinig nang banggitin niya ang lugar na Bandiyar Masir. Iyon ay kinikilalang pook ng mga matatapang na mandirigma.

Sa gayon, napilitan ang prinsipeng tananggapin si Pilandok at ipakilala sa mga kamag-anak na maharlika.

Nang hilingin ni Pilandok na sa Bandiyar Masir ilibing ang Sultan, natakot ang mga kamag-anak nito.

Nakiusap ang prinsipe na sa kanilang bayan na lamang ilibing ang Sultan.

Pumayag naman si Pilandok. Pitong araw matapos malibing ang Sultan, sinabi ni Pilandok sa prinsipe na magbabalik na siya sa Bandiyar Masir.

Nagpasalamat siya sa prinsipe sa pag-aasikaso nito sa kanya at binanggit niya ang kanyang parte sa manang naiwan ng Sultan.

Kunwa'y naghihinanakit si Pilandok nang marinig na dalawampung porsiyento lamang ang nais ibigay sa kanya ng prinsipe.

"Pinagbigyan ko na kayong sa bayang ito malibing ang aking Amang Sultan, nais pa ninyong kunin pati ang aking mana?

Kung gusto mo'y ipatatawag ko ang aking mga tauhan upang pag-usapan natin ito," sigaw ni Pilandok.

Natakot ang prinsipe sapagkat wala silang kalaban-laban sa mga mandirigma ng Bandiyar Masir.

Ibinigay niya kay Pilandok ang kalahating kayamanang naiwan ng Sultan.

Isinakay ito ni Pilandok sa kanyang puting kabayo at mabilis na nagpaalam sa prinsipe.

Tuwang-tuwa ang prinsipe dahil wala na ang kinatatakutan nilang si Pilandok.

Tuwang-tuwa rin ang mga magulang ni Pilandok sa balita niyang patay na ang malupit na Sultan — at sa kayamanang dala-dala ng kanilang anak.

Learn languages from TV shows, movies, news, articles and more! Try LingQ for FREE