×

Usamos cookies para ayudar a mejorar LingQ. Al visitar este sitio, aceptas nuestras politicas de cookie.

image

Mga Kwentong Tagalog (Kids' Stories in Tagalog), FILIPINO BOOK: KUNG BAKIT UMUULAN by Rene O. Villanueva with TAGALOG Subtitles

FILIPINO BOOK: KUNG BAKIT UMUULAN by Rene O. Villanueva with TAGALOG Subtitles

Kung Bakit Umuulan

Kuwento ni Rene O Villanueva

Dibuho ni Robert Alejandro

"Manood ka, mahal ko. Lilikhain ko ang sanlibutan," sabi ni Tungkung Langit, ang lalaking bathala.

"Kaya ko ring lumikha. Tutulungan kita," alok ni Alunsina, ang babaing bathala.

"Huwag na. Ang nais ko'y ialay ang lahat sa iyo. Ang araw, ang mga bituin, ang mga planeta, ang buwan, ulap at hangin."

"Ngunit ako'y isa ring bathala," sabi ni Alunsina. Ngumiti lamang si Tungkung Langit saka yumukod kay Alunsina.

Nag-tipon siya ng lakas sa dibdib saka humugot ng maka-pangyarihang hininga. Nang sumisigaw si Tungkung Langit, umalingawngaw ang tinig niya sa walang hanggang kawalan.

Bawat salitang humulagpos sa labi ni Tungkung Langit ay natupad. Sumambulat ang nalikhang araw. Gumulong ang mga bituin. Lumitaw ang mga planeta. Sumilip ang buwan. At ang hangin ay unti-unting nagparamdam. Nagbago ang anyo ng paligid.

Gayon nang gayon ang nangyari. Mahal na mahal ni Tungkung Langit si Alunsina kaya ayaw niya itong mapagod. Ayaw niya itong kumilos upang gumawa ng kapaki-pakinabang na bagay.

"Mas nais kong makita kang nakangiti. Nag-aayos ng iyong buhok at nananatiling maganda."

Ngunit nang lumaon, nainip si Alunsina sa gayong buhay. "Huwag kang mag-alala," sabi ni Tungkung Langit sa asawa. "Papawiin ko ang iyong pagka-inip. Lilikha ako ng panahon!"

Sa isang iglap, pumintig ang mga sandali, dumaloy ang mga oras, nagsali-salit ang araw at gabi, at rumagasa ang panahon.

Ngunit kasabay ng pagdaloy ng panahon ang pagbukal ng gunita. Naalala ni Alunsina noong ang kalawakan ay malawak na kawalan, noong ang pulso niya'y may pintig ang kapangyarihang may pangakong-lakas ng paglikha.

"Nais kong lumikha!" giit ng diwa ni Alunsina.

Isang araw, sumunod siya kay Tungkung Langit nang di nito namamalyan. Nang makita siya ni Tungkung Langit, nagtanong agad ito.

"Bakit ka narito? Ako ba'y iyong sinusubukan?"

"Nais kong lumikha. Tulad mo!"

"Naiinip ka na naman marahil, mahal ko. Bayaan mo, igagawa kita ng kidlat at kulog."

At nanggulat sa kalawakan ang matalim na kidlat.

Nanggulantang ang kulog.

Napakislot ang araw, buwan at mga bituin. Kinabahan pati ang hangin. Ngunit si Alunsina ay hindi man natinag. Nanatiling nakaguhit ang lungkot sa kanyang noo.

"Sawa na ako sa pagtanaw sa iyong araw, planeta at bituin. Sawa na ako sa pagiging taga-panood lamang. Ako man ay may angking galing."

Ngunit hindi na siya narinig ni Tungkung Langit. Dali-dali itong nagbalik sa paglikha ng sanlibutan. Naisip nitong naglalambing lamang ang babaeng bathala.

May sumibol na hinanakit sa dibdib ni Alunsina. Umalis siya sa kanilang tahanan.

Laking gulat ni Tungkung Langit nang matagpuan niyang walang apoy ang kanilang kalan, sa dulang ay walang pagkain, at ang kanilang higaa'y ulila't malamig.

Alunsina-a-a-a! Alunsina-a-a-a!" Kung saan-saan hinanap ni Tungkung Langit ang asawa ngunit hindi niya ito natagpuan.

Paulit-ulit niyang tinawag ang asawa ngunit ibinabalik lamang ng hangin ang kanyang tinig.

"Alunsina-a-a-a! Alunsina-a-a-a!"

Wala na ang babaeng bathala. Wala na ang lugod ng kanyang mga mata. Wala na ang sikdo ng kanyang puso. At nang muli niyang tingnan ang sanlibutan, ang natanaw niya'y hungkag na kalawakan.

Nagpatuloy sa pagragasa ang panahon. At kahit ang magilas na pulso ng lalaking bathala ay nanghinawa sa paglikha.

Araw-araw, patuloy sa pagtanaw sa bawat sulok ng sanlibutan si Tungkung Langit, nagbabakasakaling magbalik ang asawa. Ngunit wala, wala siyang matanaw.

Isang araw, dumukwang si Tungkung Langit mula sa lagunlon ng ulap. Hinawi niya ang kimpal ng dilim na tumatabing sa langit. At laking gulat niya nang makitang sa tapat ng kalawakan ay naroon ang babaeng bathala.

"Ano'ng ginagawa mo riyan, mahal ko? Kay tagal na kitang hinahanap."

Tumingala si Alunsina at muli'y nakita ni Tungkung Langit ang hinahanap niyang lugod, ang pinipithaya niyang aliw. Ngunit may talim ang salita ni Alunsina.

"Lumilikha ako ng daigdig, ng lupa ng puno at bulaklak. Ng ibon at isda. Lumilikha ako ng bundok, ng dagat at himpapawid. Nagpupunla ako ng buhay. Ako rin ay isang bathala." At nagpatuloy si Alunsina sa paglikha.

Mula noon, hindi na bumalik Si Alunsina sa kanilang tahanan sa kalangitan. Kumulog man at kumidlat, hindi na maakit ni Tungkung Langit ang asawa na magbalik sa kanyang dating buhay.

Ngayon, upang madalaw ang dating asawa, si Tungkung Langit ay kailangang maging ulan na didilig sa lupang likha ni Alunsina.

Learn languages from TV shows, movies, news, articles and more! Try LingQ for FREE