FILIPINO BOOK: HATING KAPATID WITH TAGALOG SUBTITLES
HATING KAPATID
Kuwento ni Raissa Rivera Falgui
Guhit ni Fran Alvarez
(MUSIC)
Sabay kami ni Kuyang umuuwi galing eskuwela.
Laging may masarap na meryendang naghihintay sa amin.
Sa araw na ito, bibingkang bagong bili ni Nanay ang meryenda.
Ang sarap!
Pagkahalik sa aming dalawa, pinaupo kami ni Nanay sa kusina.
"Ikaw na ang bahalang maghati ng pagkain," sabi niya kay Kuya.
"At tandaan mo, hating kapatid."
Nakahati na sa apat ang bibingka.
Tatlong piraso ang kinuha ni Kuya at ang natitira'y sa akin na.
"Mas malaki ako, kaya mas gutom ako.
Kailangang mas marami sa akin."
Mas malaki nga siya sa akin, kaya hindi na ako umalma.
Minsan, nagprito si Nanay ng saging.
Tinulungan ko siyang hatiin sa gitna ang apat na saging na saba bago lutuin.
May walong piraso.
Pagkalabas ni Nanay sa kusina, kumuha agad Si Kuya ng anim.
"O, hating kapatid," ang sabi pa niya sa akin.
Ganoon din noong nag-uwi si Tatay ng paborito naming buko pie.
Noong gumawa si Nanay ng keyk.
At noong ang meryenda namin ay sandosenang maliliit na puto.
Kung may magbibigay sa amin ng isang bundok ng kendi, siguro dalawa o tatlo lang ang makukuha ko.
Buti pa ang kaklase kong si Dina.
Wala siyang kapatid.
Wala siyang kahati sa kahit ano.
Kung gugustuhin niya, puwede siyang kumain ng buong bibingka o buko pie o keyk!
Pero noong isang araw, walang pagkain si Dina.
Nakalimutan niya ang baon niya.
"Gusto mo ng kalahati ng sandwich ko?" tanong ko.
Maingat kong hinati ang sandwich ko, at ibinigay ko sa kaniya ang kalahati.
"Ang ingat mong maghati.
Mukhang hating kapatid," sabi ni Dina.
"Hindi ha, pareho lang ang laki," sagot ko.
Hindi yata alam ni Dina ang ibig sabihin ng hating kapatid.
Wala nga pala siyang kapatid.
Inimbitahan ako ni Dina na minsa'y magpunta sa bahay nila.
"Wala akong kalaro sa amin," sabi niya.
Masaya kaming naglaro ng piko sa kanila.
Pagdating ng tatay niya, may dala siyang mamon para kay Dina.
"Sori, hindi ko alam na may bisita ka, anak.
Hati na lang kayo sa pasalubong ko," sabi ng tatay niya.
"Ikaw na ang maghati. Hating kapatid," sabi ni Dina.
Mukhang alam na niya kung ano'ng ibig sabihin!
Pero paano kaya ang hating kapatid sa aming dalawa?
Pareho lang ang edad namin, pareho ang tangkad (mataba lang siya nang kaunti).
"Ayokong gawing hating kapatid," sabi ko.
"Magkaibigan tayo.
Gawin na lang nating hating kaibigan." Napatawa si Dina.
"Hating kaibigan? Ano 'yon?
Ganito na lang, hatiin mo 'yung mamon tapos pipiliin ko ang pirasong kukunin ko."
Nanginginig ang mga kamay ko habang hinahati ang mamon sa dalawa.
Tiningnan ni Dina ang dalawang piraso.
"Mukhang pareho lang ang laki.
Pareho lang pala ang hating kapatid at hating kaibigan," sabi niya.
Dumating naman ang nanay ni Dina.
"Nagmeryenda na ba kayo?" tanong nito habang inilalabas ang pasalubong naman niya—sapin-sapin!
Kailangan ko nang umuwi, pero binigyan niya ako ng isang maliit na bilao ng sapin-sapin.
Wala pa si Tatay pagdating ko sa bahay.
Nagluluto naman si Nanay.
Mukhang gutom na si Kuya dahil nakabantay na siya sa mesa.
Inilagay ko sa gitna ang bigay sa aking sapin-sapin.
"Hati tayo," sabi ko.
Kumuha ako ng kutsilyo at hinati ko sa dalawa.
Tapos hinati ko ulit sa gitna.
"Ito, Kuya." Binigyan ko siya ng isang piraso.
"Sabi ng kaibigan kong si Dina, ganito ang hating kapatid."
Bumilog ang mata ni Kuya, at pagkatapos ay parang namula ang kaniyang mukha.
"Tama ang sabi ng kaibigan mo, ganiyan nga ang hating kapatid," imik niya. Lumiit ang boses niya.
Pakiramdam ko, ako ang mas malaki at nakatatanda.
"Pero ngayon, siguro dapat hating pamilya tayo," sabi ko.
Itinabi ko ang isang piraso. "Para kay Nanay 'to."
"At ang isang piraso naman ay para kay Tatay," dagdag ni Kuya.
Tuwang-tuwa ako dahil natikman naming lahat ang uwi kong sapin-sapin.
Napasaya ko ang buo kong pamilya.