FILIPINO BOOKS: SI LOLA APURA AT SI LOLO UN MOMENTO WITH TAGALOG SUBTITLES
Si Lola Apura at si Lolo Un Momento
Kuwento ni I.S. A Lopez
Guhit ni Vanessa Tamayo
(MUSIC)
Isang mag-asawang talagang nakatutuwa iyan sina Lolo 'Un Momento' at Lola 'Apura'.
Sa edad na walumpu, sila ay kapuwa malusog at masigla!
Ngunit sila ay may pagkakaiba.
Balingkinitan ang katawan ni Lola.
Si Lolo naman ay bilugan na parang bola.
Pagdating sa kulay ay magkaiba rin.
Maputi si Lola na parang araw sa umaga.
Kayumanggi naman si Lolo, sa gabi ay parang anino.
Maliksi at mabilis -- iyan si Lola!
"Daig ng maagap ang masipag. Kaya madali kayo!
Kilos na!" ang madalas niyang sambit.
Kaya naman binansagan siyang Lola Apura!
Kabaligtaran naman si Lolo.
Pakiusap niya ay "Un Momento!"
"Huwag kayong padalos-dalos," madalas niyang sambit.
"Ang naglalakad nang matulin, kung matinik ay malalim."
Mabilis si Lola.
Mabagal si Lolo.
Kumbaga sa isang kanta, magkaiba sila ng tempo.
Ngunit magkasalungat man sa kilos at turing, iisa ang kanilang isip pagdating sa gawain.
Masipag at maagap si Lola-- ayaw na ayaw niyang mahuhuli sa umaga.
Kaya't maaga pa, siya'y gising na.
Sinasabayan ang tilaok ng manok na nag-aanyaya. "Bangon na! Kilos na!"
Masipag at masinop si Lolo.
Bagama't mabagal ay panigurado.
Iisa-isahin ang mga takdang gawain.
"Sa gabi pa lang, kailangang ayusin ang gamit!" madalas niyang sambit.
Ayaw na ayaw niyang sa pagmamadali ay may mawawaglit.
Nangunguna sa palengke si Lola.
Hindi pa sumisikat ang araw ay nasa biyahe na siya.
"Sariwang gulay, prutas, karne, at isda para sa aking asawa," ang lagi niyang paalala sa tindera.
Maaasahan naman sa lahat ng lakaran si Lolo. Tila may Iistahan at mapa sa ulo.
"Inaral ko na agad ang aming pupuntahan.
Inilista ko na rin kung ano ang dadalhin para asawa ko ay wala nang alalahanin," buong pagmamalaki ni Lolo.
Kapag araw ng Linggo, maagang gumigising ang mag-asawa para magsimba.
"Madali ka at baka mahuli tayo sa misa!" wika ni Lola Apura.
Matapos magbihis ay nagpulbo si Lola.
Maingat namang nagbihis si Lolo saka ibinulsa ang pitaka at rosaryo.
"Bihis ka na ba?" tanong ni Lola Apura.
"Un Momento!" sagot ni Lolo.
Tiningnan muna niya kung may nawaglit sabay bitbit ng tungkod, abaniko, at sombrero.
Agad silang nakaupo pagdating sa simbahan.
Ilang sandali pa ay dumami na ang tao.
"Mabuti na lamang at nauna tayo," pasasalamat ni Lolo.
Dahil mainit at masikip, pinagpawisan ang dalawa.
"Sana pala ay nagdala ako ng abaniko." ani Lola.
"Abaniko ba kamo?" sabay abot ni Lolo.
"Mabuti at nadala mo ito.
Malaking tulong dahil tagaktak na ang pawis ko," tuwang-tuwang sabi ni Lola.
Napangiti si Lolo.
"Alam kong sa pagmamadali mo ay hindi mo naisip magdala ng abaniko kaya nagbitbit ako."
"Salamat," sabi ni Lola.
"Kahit sa pagmamadali ko, nariyan ka pa rin, tumutulong at gumagabay sa akin."
"Salamat din," wika ni Lolo.
"Alam kong ikaw ay mabilis at ako ay mabagal.
Ngunit sa kabila ng lahat, hinihintay mo pa rin ako at inaakay."
Sina Lolo 'Un Momento' at Lola 'Apura' magkaiba man sa kilos at itsura, palaging nagtutulungan at palaging masaya!