FILIPINO BOOK: SI CHING NA TAKOT SA DILIM | KIDS READING WITH TAGALOG SUBTITLES
Si Ching na Takot sa Dilim
Kuwento ni Aleli Dew Batnag
Guhit ni Paul Eric Roca
Inilathala ng Adarna House
(MUSIC)
Si Ching ay takot sa dilim.
Kapag gabi na, natatakot siyang lumabas sa madilim na bakuran.
Natatakot siyang pumasok sa mga gilid na walang ilaw.
Hanggang sa pagtulog, gusto niyang nakasindi ang maliit na ilaw sa sulok ng kaniyang silid.
Sa isip ni Ching, baka may bumabang kapre mula
sa taas ng malaking punong mangga sa madilim na bakuran.
O may mga higanteng galamay na susunggab sa kaniya sa loob ng madilim na silid.
Tinatakot kasi siya ng mga pinsan niya.
Sabi nila, sa dilim lumilitaw ang mga maligno, mga multo, at iba pang nakatatakot na nilalang.
"Huwag kang lalabas ng bahay, Ching, baka kunin ka ng tikbalang!" pananakot sa kaniya ni Kuya Jon.
Pag nag-umaga na, pagsilay ng liwanag, malakas na ulit ang loob ni Ching.
Naniniwala siyang nalulusaw sa liwanag ang mga maligno at kampon nito.
Nang dumating ang kaarawan ni Ching, rinegaluhan siya ng kanyang Tito Ed ng
isang maliit na lente na may kasamang dalawang baterya.
Tuwang-tuwa si Ching!
Pagdating ng gabi, iwinawasiwas niya ang liwanag ng lente sa dilim.
Gumuguhit ang liwanag ng lente sa dilim sa bakuran.
Iniikot niya ang bilog na liwanag sa mga dingding ng silid.
Kasama niya ang lente hanggang sa pagtulog.
'Ha! Takot n'yo lang ngayon sa liwanag ko!"
banta pa ni Ching sa mga di-nakikitang maligno sa dilim.
Mas malakas na ang loob ngayon ni Ching.
Isang gabi, iniwan siyang mag-isa ng kaniyang nanay sa bahay.
"O, Ching, pupunta lang ako sa tindahan sa kanto para magbayad ng utang," paalam ng kaniyang nanay.
At umalis na ang kaniyang nanay.
Maya-maya..Biglang dilim! Namatay lahat ng ilaw.
"Brownout!" anong gulat ni Ching.
Agad niyang dinukot sa bulsa ang lente niya, at - tsing!
Hinati ng sinag ng lente ang dilim.
Pero teka..unti-unting lumabo ang ilaw ng lente ni Ching...
hanggang mawala ang sindi nito.
Ubos na pala ang baterya!
Takot na takot si Ching! Napakadilim!
At wala pa ang nanay niya!
Pumikit na lang si Ching at hinintay
na dakmain siya ng mga malamig at mabalahibong kamay ng mga maligno...
"Ayan na, ayan na..."nanginginig na bulong ni Ching habang nakaupo sa dilim.
Ngunit pagdilat niya, nag-iisa pa rin siya.
Wala kahit isang anino ng maligno.
At napansin ni Ching, unti-unti niyang naaaninag ang loob ng bahay.
Parang lumilinaw ang mata niya sa dilim.
Humakbang siya dahan-dahan, at -- klonk!
Natisod niya ang nakakalat niyang laruan sa sahig.
Nangapa ang mga paa niya patungo sa sala.
At napansin niyang may kumikinang sa dingding--
umaandap na kulay luntian ang mga numero sa malaking orasan sa dingding!
May napansin din siyang kumikinang sa plato na nakapatong sa lamesita sa sala:
ang mga bato at lumot pala na uwi sa kaniya ng tita niyang mountaineer na umakyat sa Sierra Madre.
Makinang ang mga ito sa dilim!
Dahan-dahan siyang humakbang patungo sa may pintuan.
Bigla siyang kinilabutan sa nakita niya:
isang kumikinang na maliit na kristal na lumulutang palapit sa kaniya.
Hindi na nakatinag sa takot si Ching.
"Rrungewww?"
Ang alaga niyang si Polding!
Kumikinang pala ang mga mata ng pusa sa dilim, naisip ni Ching.
Hay! Nakahinga rin siya nang maluwag!
Naglakas-loob si Ching na lumabas sa bakuran.
Naaninag niya ang mga puno at halaman.
Aandap-andap ang mga kandila sa bintana ng kanilang mga kapitbahay.
Tumingala si Ching at namangha siya sa kaniyang nakita:
milyon-milyong mga bituin ang kumikislap, tumatawag ng pansin sa bughaw-lilang langit.
Parang milyon-milyong mga lente sa malawak na gabi.
Napansin niyang isang bituin ang lumutang at dumapo sa puno.
At may iba pang lumulutang-lutang na mga bituin-
Mga alitaptap! Mga may pakpak na ilaw-dagitab.
"Ang ganda pala pag ganitong madilim!
Ang dami palang makikita kahit madilim!" manghang nasabi ni Ching sa sarili.
Maya-maya pa, may naghiyawan sa mga kapitbahay at halos sabay-sabay na
lumiwanag ang mga kabahayan, pati ang kina Ching.
"May ilaw na!"
Nang gabing iyon, hindi na mga maligno ang naiisip ni Ching sa dilim.
Bago siya mahiga, bahagyang binuksan ni Ching ang bintana at sinabi sa kaniyang nanay:
"Pakipatay na po ang ilaw sa silid, 'Nay."
At tinanaw ni Ching ang mga bituin sa labas ng bintana bago siya pumikit at natulog nang mahimbing.