FILIPINO BOOK: MAY BUKBOK ANG NGIPIN NI ANI WITH ENGLISH/TAGALOG SUBTITLES
Ay! May Bukbok ang Ngipin ni Ani
Kuwento ni Dr. Luis Gatmaitan
Guhit ni Jason Moss
(MUSIC)
Patingin nga ng mga ngipin n'yo, mga bata?
Sino na sa inyo ang nagkabukbok?
Ngiti nga at nang makita kung sino ang bungi.
Tungkol sa ngipin ang kuwento ni Tito Dok ngayon.
Sige nga, isipin natin. Halimbawa, isang araw sinabi ni Tatay at Nanay, "Kailangan mo nang pumunta sa dentista."
Ano ang mararamdaman mo?
Matatakot ka ba at iiyak?
O magiging matapang?
Ano kaya, ang nangyari kay Ani nang sabihan siya ng kanyang Tatay at
Nanay na dapat nang patingnan sa dentista ang kanyang sirang ngipin?
Samahan natin si Ani sa dentista!
"Araaay! Aray ko-o-o-o!"
Halos umiyak si Ani dahil masakit na masakit ang kanyang ngipin.
Ngayon lang nangyari ito sa kanya.
Buong maghapon tuloy niyang hawak-hawak ang kanyang nananakit na panga.
Sinilip niya ang kanyang ngipin sa harap ng salamin.
At talagang nandiri siya sa nakita.
Ang itim-itim ng ngipin niya!
"Kaya siguro ang sakit-sakit ng ngipin ko," sa isip-isip niya.
Nang hapong 'yon, matamlay siyang sumalubong sa kanyang tatay at nanay na kagagaling lang ng opisina.
Hindi nga niya halos ginalaw ang pasalubong nilang ensaymada.
"Ang hilig-hilig mo kasi sa kendi.
Tingnan mo may butas na ang ngipin mo. Kinain 'yan ng mga bukbok," sabi ni Nanay Lyn matapos marinig ang problema ni Ani.
"Huwag kendi ang sisihin mo, mahal.
Ang totoo, tamad magsipilyo ang anak natin," tugon ni Tatay Viyo.
"Oo nga.
Bukas ng umaga, sasamahan ko si Ani sa dentista," sabi ni Nanay.
"D-Dentista?" Hindi makapaniwala si Ani sa kanyang narinig.
Takot na takot kasi siya sa mga dentista.
Nanlamig ang kanyang mga kamay.
Para kasi sa kanya, ang mga dentista ay nagpaparusa sa mga bata.
Parang mga kontrabida sa cartoons.
"Oo, Ani. Patitingnan natin sa dentista ang ngipin mo.
Kung bulok na 'yan, baka kailangan nang bunutin."
"Ay, ayoko po, Nanay!
Ayokong pumunta sa dentista," iyak ni Ani.
"Ani, huwag matigas ang ulo.
Ang mga dentista ay kaibigan ng mga ngipin natin."
"Basta po, ayoko!
Baka mamaya lang po, wala na ang sakit ng ngipin ko.
"O, hayan ka na naman. Ipinipilit mo na naman ang gusto mo.
Di ba't lagi naming sinasabi ng Tatay mo na magsipilyo ka pagkatapos kumain?
Ang hilig mo pa naman sa kendi.
Alam mo bang abalang-abala ang mga baktirya kapag may naiiwang asukal sa ngipin mo?"
Nabalisa si Ani.
Hindi talaga siya papayag pumunta sa dentista.
Pagdating ng hapon, pinilit niyang maging masaya.
Niyaya niya ang mga kalaro, si Nina at si Joshua, na pumunta sa kanilang bahay.
Nagtaguan sila. Nagpiko at naghabulan sa playground.
Pero masakit pa rin ang ngipin niya.
Naupo na lang siya sa isang sulok at nagmukmok.
"Bakit Ani, may sakit ka ba?" tanong ng kanyang mga kalaro.
"A-ang ngipin ko . . . ang sakit-sakit."
"Patingin nga."
"O, hayan, a-a-a-h-h-h-h!"
"Naku, Ani, sira na ang ngipin mo," sabi ni Nina, ang best friend ni Ani.
"Sabi ng tiyo kong dentista, dahil daw 'yan sa bukbok.
Kaya pala masakit!"
"Ganoon ba?"
"Oo.
Sabi nga ng tiyo ko, puro mikrobyo raw ang bukbok.
"Ano 'yon?"
"Mi-krob-yo!
Kinakain ng mikrobyo ang ngipin natin at gumagawa ng butas papasok sa loob.
Dapat pumunta ka na sa dentista."
"Ha? Sa dentista?"
Muli na naman kinilabutan si Ani pagkarinig ng salitang "dentista."
Ang tingin niya kasi sa mga dentista ay parang monster.
Ano nga ba kasi ang itatawag mo sa taong may hawak na plais at nambubunot ng ngipin?
"Oo, kaibigan ng mga bata ang mga dentista.
Nilalabanan ng mga dentista ang mga mikrobyo sa ngipin natin.
Alam mo, may sirang ngipin din ako noon, eh."
"Talaga?"
"O, tingnan mo ang bungi ko.
Diyan dati nakatubo ang ngipin kong may bukbok.
Kailangan ko talaga noong maging matapang," sabi ni Nina.
Nang gabing iyon, hindi makatulog si Ani.
Masakit pa rin ang ngipin niya.
Nanalangin siya na sana'y maalis ang sakit ng ngipin niya.
Sinilip niya ulit ang kanyang ngipin sa salamin.
"Puro bukbok nga!"
At naalala niya ang sinabi ni Nanay Lyn.
"Ani, kung hindi ka pa pupunta sa dentista, baka mahawa pa ang ibang ngipin mo."
Kinabukasan, pagkagising, agad pinakiramdaman ni Ani ang kanyang ngipin.
"Hmmmm, parang wala na yata ang sakit."
Pero matamlay pa rin ang kanyang pakiramdam.
Hindi siya bumangon sa kama.
Ayaw niyang kumain ng almusal.
Ayaw din niyang maglaro.
"Anak, bumangon ka na't pupunta tayo sa dentista," bati ng kanyang nanay.
Kinabahan na naman si Ani.
"E, Nanay, parang magaling na po yata ang ngipin ko. Hindi na masakit e!" pangangatwiran nito.
"Pero kailangan pa ring tingnan ng dentista ang ngipin mo.
Pag hinayaan mo na may sira 'yan, sasakit na naman ulit.
Baka lagyan 'yan ng pasta ng dentista. O kung sira na talaga, bubunutin na niya.
Halika na. Bilisan mo, Anak!"
Pinilit ni Ani na huwag umiyak.
Alam ni Tatay Viyo ang nararamdaman ng anak.
"Natatakot ka ba sa dentista, anak?" maamong tanong nito.
"A, e medyo po,"
singhot ni Ani. "Kasi po, baka masakit pag binunot ng dentista ang ngipin ko."
"Konting sakit lang 'yon anak. At di 'yon magtatagal.
At saka mas masakit pa sa bunot ang makirot na ngipin."
"Totoo 'yan, Ani. Hindi magtatagal ang sakit ng ngipin mo.
At pag nawala na 'yan, lagi naming ipapaalala sa iyo na magsipilyo pagkatapos kumain.
Para hindi masira ang mga ngipin mo," dagdag ni Nanay Lyn.
Sa wakas ay napapayag din nila si Ani.
At saka naisip din ng munting bata, "Kung si Nina nga, kayang-kaya maging matapang at pumunta sa dentista, kaya ko rin maging matapang."
Maganda ang loob ng klinika ni Dr. De Leon.
May mga laruang nakabitin sa kisame.
Marami ring larawan ng mga hayop na nakadikit sa dingding na panay nakangiti.
May matsing. May kuneho.
Parang nginingitian nila si Ani.
Nagulat si Ani dahil mabait naman pala ang dentista. Sumisipol-sipol pa nga ito.
Hindi parang monster.
Si Dr. De Leon ay isang dentista na laging nakangiti.
Ang gaganda ng kanyang mga ngipin. Puting-puti!
"Ito ba si Ani? Naku, ang cute na bata," sabi ni Dr. De Leon.
At iniupo niya si Ani sa dental chair .
"Okey ka ba, Ani?" tanong ni Dr. De Leon.
"Opo.
Di po ba ako malulula sa silyang ito?"
Biniro ni Dr. De Leon si Ani.
"Alam mo, 'yong ibang bata ay nagbabayad pa para makaupo lang dito!"
Itinaas niya si Ani nang mataas na mataas, at pagkatapos ay ibinaba nang konti.
Unti-unting nawawala ang takot ni Ani.
Maya-maya pa'y nilagyan na siya ni Dr. De Leon ng bib sa leeg.
"Para hindi marumihan ang maganda mong damit, o kaya'y ako!"
Ipinakita sa kanya ng dentista ang mga instrumentong gagamitin.
"O, tingnan mo ito, may maliit na salaming bilog sa dulo.
Ipapasok natin ito sa bibig mo para kitang-kita natin ang iyong mga ngipin."
Tiningnang mabuti ni Dr. De Leon ang lahat ng ngipin ni Ani.
"Kailangang bunutin na natin ang ngipin mo, Ani.
Sinira na kasi ito ng bukbok.
Ngayon, para hindi ka masaktan, patutulugin natin ang iyong ngipin.
Kung tulog na ang ngipin, hindi na magiging masakit kapag binunot natin . . . ." paliwanag ni Dr. De Leon.
"Ha? A, eh sige po. Gusto ko pong patulugin muna ang ngipin ko," sagot ni Ani.
Pero muling kinabahan si Ani nang makita ang heringgilya.
"O heto, meron tayong sleeping juice para sa ngipin mo."
"Pero paano ito iinumin ng ngipin ko?"
"Eto ang straw para sa sleeping juice," sabay turo ni Dr. De Leon sa karayom na nakakabit sa heringgilya na may lamang anesthesia.
Paiinumin na natin ngayon ang sirang ngipin mo para makatulog ito."
"Baka masakit . . ." "Makararamdam ka ng sakit mula sa injection, Ani.
Pero madaling mawawala ito.
Okay, now open your mouth."
"Aaaaa-aaaahhhhh ." Ngumanga nang mabuti si Ani habang pinaiinom ni Dr. De Leon ng pampatulog ang kanyang ngipin.
Maya-maya pa'y wala nang nararamandamang kirot si Ani.
"Siguro, nakatulog na ang ngipin kong bulok," naisip niya.
Habang nakapikit ang mga mata, naalala ni Ani ang kanyang alagang pusang si Poochie.
Naalala rin niya nang maglibot sila nina Tatay at Nanay sa Manila Zoo.
At nang mag-piknik sila sa park.
Nang unang sumakay siya sa eroplano papuntang Iloilo.
At nang bumili siya ng malaking cotton candy sa karnabal.
Parang nakita pa nga niya ang kanyang lolo at lola sa probinsya.
Maya-maya, tinapik ni Dr. De Leon si Ani,
"Tapos na, Ani."
"Mabilis lang po pala . . ." sabi ni Ani habang pinakikiramdaman ang gilagid.
Ipinakita sa kanya ni Dr. De Leon ang nabunot na ngipin.
"Ngiii! Ang dami palang butas ng ngipin ko!"
Ganyan ang ginagawa ng bukbok sa ngipin.
At pag nasira ang mga ngipin mo, madali kang dadapuan ng kung anu-anong sakit.
Kaya lagi kang magsipilyo para mapangalagaan ang iyong ngipin, at kalusugan.
Alam mo, Ani, ang ating ngipin, tulad ng ibang bahagi ng ating katawan, ay regalo sa atin ng Diyos.
Kaya dapat nating alagaang mabuti."
"Babawasan ko na po ba ang mga kendi, tulad ng sabi ni Nanay?"
"Tama! O kailan mo ulit ako dadalawin, Ani?" nakangiting tanong ni Dr. De Leon.
Nagustuhan na ni Ani ang dentista, pero nahihiya pa rin siya.
Kaya sunod-sunod na tango lamang ang naging tugon niya.
"Sa susunod, aalisin naman natin ang ibang tartar kapag nilinis natin ang ngipin mo," dagdag ni Dr. De Leon.
"Doc, maaari bang i-iskedyul mo rin kami?
Balak po naming magpa-cleaning na mag-asawa sa susunod na linggo," sabi ni Nanay Lyn.
Bago bumaba si Ani sa dental chair, may ipinakitang kahon si Dr. De Leon. Punong-puno ito ng kung ano-anong makukulay na bagay.
"O, Ani, pumili ka ng isang laruan. Premyo mo 'yan dahil ang tapang mo kanina."
"Bagong toy po, para sa akin? Salamat po."
Palabas na lamang sila nang bumulong pa si Ani kay Dr. De Leon.
Nakangiting ibinigay ng dentista ang hiningi ng bata.
"Bakit, anak? Aanhin mo ba 'yang bulok mong ngipin?" Tanong ni Tatay nang sinundo nito si Ani at Nanay Lyn.
"Itatago ko po. Para di ko makalimutang magsipilyo!" sabay kindat at ngiti ni Ani.
Paano aalagaan ang ating ngipin:
1. Kumain ng mga pagkaing mayaman sa calcium, tulad ng petsay, broccoli, talbos ng kamote, keso at tokwa.
2. Uminom ng maraming gatas araw-araw. Mayaman din sa calcium,ang soy milk.
3. Magsipilyo ng ngipin pagkatapos kumain.
4. Magpasama sa iyong Nanay o Tatay sa dentista para sa isang dental check-up. Titingnan at lilinisin ng dentista ang iyong mga ngipin.
TANDAAN: ANG ATING NGIPIN, TULAD NG IBANG BAHAGI NG ATING KATAWAN, AY REGALO NG DIYOS SA ATIN.
KAYA'T ALAGAAN NATIN ANG ATING NGIPIN.