FILIPINO BOOK: MAY ALAGA AKONG BAKULAW | STORY TIME WITH TAGALOG SUBTITLES
MAY ALAGA AKONG BAKULAW
Kuwento ni Becky Bravo
Guhit ni Ara Villena
(MUSIC)
"Nanay, puwede po bang humingi ng tinapay?" tanong sa akin ni Lilit isang araw habang naghahanda ako ng meryenda.
Aba, siyempre. Ano'ng gusto mong palaman? Keso?" ang sabi ko. Tumango ang aking bunso kaya ipinaghanda ko siya ng pandesal na may isang hiwa ng keso.
Pinuno niya ng gatas ang isang baso. Pagkatapos ay dinampot niya ang tinapay na nasa plato, at tangan ang gatas sa kabilang kamay, ay nagtungo sa bakuran.
"O, saan mo dadalhin 'yan? Ang usisa ko.
"Po? E. hindi po ito para sa akin," sagot niya nang may ngiti.
"Ha? Para kanino naman?"
"Para po sa alaga kong bakulaw!"
Bakulaw naman ngayon? Talaga naman itong si Bunso! Linggo-linggo, may mahiwagang nilalang na natatagpuan sa bakuran.
May diwatang nakatira sa puno ng saging, may kunehong kulay rosas, at may lumilipad na kabayo.
Nang magbalik mula sa pagbisita sa pinakabago niyang kaibigan, tinanong ko siya.
At ano naman ang itsura ng alaga mong bakulaw?"
Kinagat ni Lilit ang isa niyang daliri at nag-isip.
"Aaa....mahaba po ang buhok niya. Marami din siyang buhok sa mukha. Dilaw ang kaniyang mga ngipin at maitim ang ilalim ng mga mata.
Malalim po ang boses niya at mabagal siyang magsalita."
Saka siya napangiwi at bumulong. "Mabait naman siya, pero mabaho ang hininga."
"May pangalan ba itong bakulaw mo?" ang tanong ko.
Lahat kasi ng kaniyang mga kaibigan sa bakuran ay binibigyan niya ng pangalan.
"Robert daw po ang pangalan niya," sagot niya.
Mahigit isang linggo ring ipinaghanda ko ng meryenda ang bakulaw na si Robert.
Tsamporado. Tinapay na may palaman. Bagong lutong puto. Sumang Antipolo. Ginataan. Pancit bihon. Minatamis na saba.
Tuwing babalik sa aking ang plato ay lagi namang ubos ang laman.
Saka naman uupo si Bunso sa mesa para magmeryenda.
Palagi akong napapangiti sa gana niyang kumain.
At tatango-tango kong pakikinggan ang huling balita tungkol sa bakulaw.
Kawawang Robert, malungkot daw siya.
Lagi raw nahuhuli ni Liit na tulala, at minsan ay naririnig niyang tahimik na lumuluha.
"Ano ang ginagawa mo para pasayahin siya?" usisa ko sa kanya.
"Kinakantahan ko po siya. O kinukuwentuhan ng masaya.
Nagdadala ako ng paborito kong libro tapos sabay naming binabasa."
"E, bakit naman daw siya nalulungkot?" tanong ko muli.
"Kasi daw po wala na si Celina," sagot ni Bunso.
"Sino naman si Celina?"
"Asawa niya!"
Aba! At pati pala bakulaw, nag-aasawa!
Isang araw, biglang nag-iba ang ihip ng hangin.
Ilang minuto pa lang ang lumipas noong magtungo si Lilit sa bakuran,
bumalik siya nang nakasimangot at ibinagsak pa ang pintuan.
"O, ano'ng nangyari?"
"Nainis po ako kay Robert. Ang tigas kasi ng ulo niya".
"At bakit ka naman nainis?"
"Ang hirap niya po kasing kasama. Nakakatakot na nga ang itsura niya, lagi pang walang kasigla-sigla.
Ang sabi ko, puwede naman niyang subukang maging masaya, e. Pero ayaw niya yata."
"Sinabi mong lahat 'yan sa bakulaw?" bulalas ko kunwari.
"Opo! Ang sabi ko, pagod na ako sa paglilibang sa kaniya. Tapos iniwan ko na siya," sagot niya.
Ito na kaya ang katapusan ng bakulaw na si Robert?
Ano kayong bagong nilalang ang susulpot sa mundo ni Bunso?
Dumaan ang isang linggo nang walang balita.
Mas nakapagtataka, wala ring binabanggit si Lilit na bagong kaibigang nakilala sa bakuran naming mahiwaga.
Linggo ng umaga nang marinig kong tumunog ang timbre sa labas.
"Sino po sila?" tawag ko kasabay ng pagbukas ng pinto.
Nakatayo roon ang isang lalaki. Guwapo siya sana, kung hindi lang sa medyo namumugtong mga mata.
Hawak niya ang isang kahon.
Ngumiti siya nang bahagya. May halong pag-aalangan at hiya.
"Magandang umaga po," ang sabi niya. "Nandiyan po ba si Lilit?"
Pansamantala akong natigilan.
At saan naman kaya niya makilala ang anak ko na kung lumabas man ng bahay ay hanggang bakuran lang ang punta?
"Ako po si Robert Medina. Sa katabing bahay po ako nakatira, pero ngayon lang magpapakilala."
"Robert?" ulit ko., "Robert. Iisa lang ang kilala ni Bunso na Robert, pero...."
Napatawa ang bisita."Bakulaw po ba?" sabi niya.
Wala akong nagawa kundi mapanganga.
Totoong tao pala ang bakulaw na si Robert. At totoo rin ang mga ikinuwento ni Bunso.
Kabibiyudo lang ni Robert at sa biglaang pagpanaw ng asawa, nagkulong siya sa bahay at nagpabaya.
Hindi na siya naligo, hiindi na nagpagupit. Hindi na nag-sepilyo, hiindi na nag-ahit.
Kaya nang dumungaw isang araw sa mababang bakod ang isang batang maliit, tinanong siya nito nang nakangiti, "Bakulaw ka ba?"
Hindi na niya naisip itama ang bata.
Inabangan niya ang pagbisita ni Bunso tuwing meryenda.
Kinain ang pagkaing inialok sa kaniya. Nakinig sa masasayang kuwento na pansamantalang nagpatahimik sa lumbay na nadarama.
Hanggang sa nainip si Lilit sa kaaalo sa kaniya. At naisip niyang panahon na upang iahon ang sarili sa kalungkutan.
May humigit sa laylayan ng aking blusa. Ayun si Bunso na nakatitig sa bisita.
Kiniling niya ang kaniyang ulo sa kanan, at pagkatapos ay sa kaliwa.
Bigla niyang itinuro ang isang daliri, at nanlaki ang dalawang mata.
"Di ba si Robert ka?"
Tuwang-tuwa si Robert na agad siyang nakilala.
"Oo! Ako nga!" sagot niya. "O, hindi na ako nakakatakot tingnan, ha?
Naligo na ako, at nagpagupit pa. Nagsepilyo na ako at nag-ahit.
At ako naman ngayon ang may dalang pagkain para sa iyo. "Eto, o!"
Iniabot niya ang kahong dala. Agad namang binuksan ito ni Bunso.
Isang dosenang ensaymada!
At iyan ang kuwento ng isang kaibigang natagpuan ni Bunso sa aming bakuran.
Doon pa rin sila nagkukuwentuhan kung minsan.
Ngunit ngayon ay hindi na "Robert" ang tawag ni Bunso sa kaniya, kundi "Tito Robert" na.