FILIPINO BOOK: ANG PAMBIHIRANG BUHOK NI RAQUEL ni Dr. Luis Gatmaitan with TAGALOG Subtitles
ANG PAMBIHIRANG BUHOK NI RAQUEL
Kuwento ni Dr. Luis Gatmaitan
Guhit ni Beth Parrocha-Doctolero
(MUSIC)
Bilib na bilib ako kay Raquel. Sa lahat ng aking mga pinsan siya ang aking hinahangaan. Ang kulay ng buhok niya ay iba-iba. May asul, dilaw, at saka pula. Pambihira talaga!
Hindi alam ni Raquel, naiinggit ako sa kaniya. Maganda kasi siya. Makinis ang kaniyang balat. Kay puti-puti.
May dimpol siya pag ngumingiti. Hindi galawgaw kung kumilos. Kay galing niyang mag-Ingles.
A, 'yun pa nga, mayroon siyang kakaibang buhok. Bakit kaya wala ako ng mga meron siya. Tuloy, pag ikinukampara ko ang sarili ko kay Raquel parang ang layo-layo ko.
Madalas, ginagaya ko siya. Ang kaniyang pagngiti, pagdadamit, pagkandirit, at pagkanta-kanta. Kapag sinabi niyang, "Wow!" Ang g'ling-g'ling," gano'n na rin ang laging bigkas ng aking bibig.
Dadalhin ko 'yon sa buong panahon na kami ay magkalayo. Buti na lang, minsan sa isang taon, tuwing panahon ng mangga at duhat, daigdig namin ay nagtatagpo--
sa pamimitas ng sinigwelas, sa paglalaro ng piko, sa panghuhuli ng alitaptap.
Hindi siya maselan kahit ang bango-bango niya, at ako'y amoy-araw. Palagi niya nga akong hinahalikan!
Hindi siya isnabera kahit taga-Maynila siya at ako'y taga-baryo.
Siya pa nga ang nauunang pumansin sa akin. At, hindi niya ako pinagtatawananan kahit mali-mali ang Ingles ko.
Pero napapansin ko, lagi niyang sinasabi sa akin, "Ana, Ana, mas mapalad ka." Aba'y bakit kaya?
Isang tag-araw, nainip ako sa kahihintay pero hindi siya dumating. Tinanong ko sina Tatay at Nanay kung magbabakasyon sa amin si Raquel.
Hindi raw muna. Nasa ospital daw kasi si Raquel. Sa aking isip noon, itinatanong ko, "Paanong dinalaw ng sakit ang batang kay linis linis?"
Kinabukasan, lumuwas kami ng Maynila para dalawin ang hinahangaan kong pinsan, at doo'y napansin ko ang maraming pagbabago sa kaniyang itsura.
Mas lalo ba siyang pumuti? Nagtampo na ba ang kaniyang mga ngiti?
Pero nakalimutan ko agad 'yon. Bigla ko kasing napansin ang kaniyang buhok. Noong huli ko siyang nakita, pinaghalong dilaw at pula ang kulay nito. Ngayon ay kulay asul.
Talagang iba ang pinsan kong taga-Maynila. Ang dating buhok na itim, naging iba-iba. Pambihira!
Naging madalas ang pagluwas namin para dalawin si Raquel. At hindi puwedeng di kami maglaro kapag kami'y nagkikita.
Pero, doon na lamang kami sa bahay nila. Hindi na raw puwedeng maglaro si Raquel sa mga parke't karnabal. Baka raw kasi siya mahawa ng sakit sa ibang mga bata.
Inip na inip tuloy ako sa Maynila. Buti sana kung may naliligaw na alitaptap sa bakuran nina Raquel.
O Kaya'y may maaakyatang puno ng sinigwelas. Kaya hayun, ang buhok ni Raquel ang aking napagbalingan.
"Raquel, gusto mo ititirintas ko ang buhok mo?"
Tatango siya, ngunit may paalala, "Dahan-dahan lang, ha!"
At, nagsimula akong magtaka sa kakaibang hibla ng kaniyang buhok. Bakit kay galas? Bakit hindi madulas? Bakit parang nakaalsa ang mga buhok na 'yon?
Sinalat ko pa ang aking buhok para ikumpara. Hindi ito katulad ng buhok ni Raquel. Mas kagaya ng manyikang basahan ang kaniyang buhok.
A, baka gano'n ang sosyal na buhok!
Minsan, habang inililipad ng hangin ang kaniyang buhok, may nasilip akong kakaiba sa kaniyang ulo. Itinanong ko tuloy kung ano ang makikita sa ilalim ng kaniyang makulay na buhok. Sabi niya, doon daw ay --
may kahariang nakatago, may bahaghari, may taong maliliit na napakakukulit.
Wiling-wili ako sa pakikinig at pangangarap ng sinasabi niyang pambihirang daigdig. Hindi ko napansin ang pagtakas ng kulay sa kaniyang mukha.
Blag! "Raaqqqquueeellllll! " Lumatag sa sahig ang maputlang katawan ni Raquel. Takot na takot ako. Nanginginig.
"Ano'ng nangyayari sa aking pinsan? Kagagawan kaya ito ng taong malililit na nagtatago sa ilalim ng kaniyang buhok?"
Habang tumatakbo palapit sina Tito at Tita, nasulyapan ko ang ulo ni Raquel. Natanggal ang kaniyang pambihirang buhok!
Walang kaharian. Walang bahaghari. Walang taong maliliit sa ilalim ng kaniyang buhok.
Kalbo si Raquel!
Peluka lang pala ang buhok na kakaiba!
Noon ko lang nalaman kung ano talaga ang sakit ni Raquel.
LU-KIM-YAH, gano'n ang bigkas ni Tita.
Nagmamadaling isinugod nila si Raquel sa ospital. Baka kailangan na raw siyang salinan ng dugo at bigyan ng panibagong gamot.
Umiyak ako nang umiyak kay Nanay,
"Bakit gano'n?" tanong ko.
"Talagang gano'n," sagot ni Nanay. "Kahit ang mga bata ay hindi puwera sa kanser." At pinahid niya ang aking mga luha.
Bigla kong naalala ang madalas na sinasabi sa akin ni Raquel na mas mapalad daw ako kaysa sa kaniya. Noon ko lang 'yon naintindihan.
Hindi nga kami mayaman. Hindi ako maganda o maputi. Pero, malusog ang aking katawan.
"Ang kalusugan ay kayamanan," 'yan ang madalas sabihin ni Tatay.
Nang lumabas ng ospital si Raquel, mapula na naman ang kaniyang pisngi. May ngiti na uli ang kaniyang labi.
"Tinakot ba kita?" biro niya.
Hindi ko na sinagot ang kaniyang tanong. Basta't niyakap ko na lang siya nang mahigpit. Mahigpit na mahigpit na para bang hindi ko na siya pakakawalan pa.
Hanggang ngayon, sa lahat ng aking mga pinsan, si Raquel pa rin ang aking hinahangaan.
Kasi.. higit sa pambihirang buhok... taglay niya ay ....pambihirang.... tapang.