FILIPINO BOOK: ANG LUMANG APARADOR NI LOLA | CHILDREN'S BOOK WITH ENGLISH/TAGALOG SUBTITLES
Ang Lumang Aparador ni Lola
Kuwento ni Genaro Gojo Cruz
Guhit ni Jose Miguel Tejido
(MUSIC)
Mayroon akong kinatatakutan sa aming bahay.
Ito ay ang lumang aparador sa aking silid.
Walang sinuman ang nakabubuhat sa aparador kundi sina Nanay at Tatay.
Ano kaya ang laman nito?
Siguro, isang dambuhalang damit.
Kapag umuulan o dumadagundong ang langit sa kulog at kidlat,
agad kukuha si Nanay ng puting kumot at tatakpan ang salamin ng aparador.
Saka isasara niya ang mga bintana.
Pati ba kulog at kidlat ay takot sa salamin?
Lumang-luma na ang aparador. Kulay putik ito.
May maliliit na ukit ng mga bulaklak sa mga gilid at may mukha ng anghel sa itaas ng salamin.
Sa malayo, tila isang malaking kuweba ito.
Naisip ko, baka may natutulog na higante sa loob.
Iniiwasan kong mapadaan sa harap ng aparador. Baka kasi magising ang higante.
Isang araw, binuksan ni Nanay ang aparador at kinuha ang isang mahalagang dokumento.
Lumangitngit ang pinto nito na parang nabibiyak na lupa.
Kumalat din ang pambihirang amoy ng luma at inaamag na libro.
Natakot ako. Baka lamunin si Nanay ng dambuhalang damit o ng higanteng natutulog sa loob.
Pero walang dambuhalang damit o higanteng kumuha kay Nanay.
Sinilip ko ang loob ng aparador pero agad-agad na isinara ni Nanay.
Minsan, lakas-loob na nanalamin ako sa aparador.
Malaki ang salamin, kitang-kita ang buong katawan ko.
Pero umihip ang kakaibang hangin sa aking likuran.
Tumaas ang puting kurtina sa bintana, at nag-amoy sampaguita ang paligid.
Pakiramdam ko, parang may babaeng nakaputi sa aking likuran.
Kumaripas ako ng takbo.
Mula noon, hindi na ako nagsalamin sa aparador.
"Sa Linggo, magsisimba tayo ng Tatay mo sa bayan.
Ikapitong kaarawan mo, kaya kailangang maganda ang iyong isusuot.
Halika," yaya sa akin ni Nanay. Kinuha niya ang isang bungkos ng mga susi.
Bumilis ang tibok ng aking puso.
Baka lamunin kami ni Nanay ng dambuhalang damit o kaya ay ng higante.
Muling lumangitngit ang pinto ng aparador at kumalat ang amoy ng inaamag na libro.
Hindi ko alam kung tatakpan ko ang aking tainga o ang aking ilong.
Pero hindi man lang natakot si Nanay.
Namangha ako nang ilabas ni Nanay ang isang napakagandang bestida.
Noon lamang ako nakakita ng ganoon kagandang bestida, kulay rosas, pinaulanan ng pulang-pula at maliliit na rosas.
Buhay na buhay ang mga rosas. At mayroon itong malaking lasong puti sa likod.
Lapat na lapat sa akin ang bestida, parang isinukat ng modista sa akin.
Sa pagdiriwang ng Linggo ng Wika sa aming eskuwelahan, kailangan kong magsuot ng kasuotang Pilipino.
Agad inilabas ni Nanay mula sa aparador ang kasuotang terno na punong-puno ng masalimuot na burda.
At noong ako'y magkumunyon, inilabas naman ni Nanay ang puting-puting bestida
na may katerno pang belo na yari sa pina.
At noong ako'y sabitan ng medalya, namangha ang aking mga guro at mga kaklase sa isinuot kong bestida.
Ang tela nito'y sinasaniban ng liwanag sa gabi at may mga burda pang mga bituin.
Lalo akong nahiwagaan sa lumang aparador.
Siguro, may isang malaking makinang-panahi sa loob nito na gumagawa ng magagandang damit na isinusuot ko.
Minsan ay kinuha ko ang bungkos ng mga susi ni Nanay at sinubukan kong buksan ang aparador.
Mahigpit ang pagkakapinid ng pinto at
anuman ang gawin kong pagpihit at pag-ikot-ikot sa kalawanging susi ay hindi ko talaga mabuksan.
Isang gabi, habang nagsusuklay sa harap ng salamin si Nanay ay tinanong ko siya tungkol sa aparador.
"Ang aparador na ito ay minana ko sa iyong Lola Dominga.
Kilala siyang magaling na mananahi at magbuburda noong panahon ng mga Amerikano.
Kapag may sobrang tela ay tinatahi niya ako ng bestida," kuwento ni Nanay.
"Matibay ang aparador na ito,
hindi nagbabago ang kulay o inaanay.
Sa amin ng iyong tatay, ito ang pinakamahalagang gamit dito sa ating bahay."
Binuksan ni Nanay ang aparador.
Namangha ako sa aking nakita.
Maayos na naka-hanger ang kay gagandang mga bestida na iba-iba ang kulay; gayundin ang parang buhay na buhay na mga burda.
Marami ring nakaikid na sinulid at kahon.
Nang buksan ni Nanay ang unang kahon, nakita ko ang maraming karayom na iba-iba ang laki.
At sa sumunod na kahon, sumambulat ang kay daming larawan.
Sa bawat larawan ay naroon ang batang suot ang mga damit na isinuot ko.
Tinanong ko si Nanay kung sino iyong bata. "
Hulaan mo. Hindi mo ba siya nakikilala?" sabi ni Nanay.
Pumustu-pustura siya at ginaya pa ang ayos ng bata sa larawan.
"Ay, oo nga!" Si Nanay ang nasa mga larawan, ang may suot ng magagandang damit na isinuot ko!
Hindi ako dapat matakot sa lumang aparador.
Dapat kong alagaan tulad ng pag-aalaga rito nina Nanay at Tatay dahil ito ay alaala ng aking Lola Dominga.
Tama si Nanay. Magaling na mananahi at magbuburda si Lola Dominga.
Naisusuot ko pa rin ang mga bestidang tinahi niya para kay Nanay noon.
Pakiramdam ko, kilalang-kilala niya ako, dahil lapat na lapat sa akin ang mga damit na tinahi niya para kay Nanay.
Nasabik ako. Sana, ikalabingwalong kaarawan ko na.
Kinabukasan ay binuksan kong mag-isa ang aparador.
Tiningnan ko sa mga larawan ang magandang babaeng laging may akay kay Nanay.
Kay ganda pala ng aking Lola Dominga!
Kay ganda niyang ngumiti. Pakiramdam ko ay nagkasama kami nang matagal.
Ngayon, tuwing mapapadaan o magsasalamin ako sa aparador, lalong napapamahal sa akin ang aking Lola Dominga, ang aking magaling na mananahi at magbuburdang Lola.