29.3 Pagbabasa - Ang Manananggal
Buntis si Sherlyn. Humiga siya sa kama sa ilalim ng kulambo. Hindi siya makatulog. Mula sa kama, nakikita niya ang bintana. Madilim sa labas ng bahay, kahit na bilog na bilog ang buwan sa labas.
May narinig siyang ingay. Tik - tik - tik. Natakot si Sherlyn. Manananggal kaya?
Ito ang kuwento ng lola niya tungkol sa manananggal. Sa gabi, nahahati ang katawan ng manananggal. Lumilipad ito at naghahanap ng mga buntis na babae. Pumupunta ang manananggal sa bubong ng bahay. Pagkatapos, lalabas ang mahabang dila nito, at kukunin ng kanyang dila ang sanggol sa loob ng babae.
Dahil dito, naglalagay ng bawang sa iba't ibang kuwarto ng bahay ang mga tao. Ang sabi ng lola niya, kapag nilagyan ng bawang, asin, o abo ang kalahating katawan ng manananggal, hindi na makakabalik ito sa katawan.
Bang - Bang - Bang.
Sa labas, nagpapaputok ng baril ang mga sundalo. Sumisigaw ang kapitbahay. “Hindi po ako rebelde! Hindi po ako rebelde!”
Tumayo si Sherlyn. Pumunta siya sa bintana. Nakita niya ang dalawang babae na kinukuha ng mga sundalo.
Takot na takot si Sherlyn. Nasaan na ba ang bawang?
-
- Tanong -
1) Ano ang pangalan ng babaeng buntis?
2) Ano ang narinig niya?
3) Bakit lumilipad ang manananggal?
4) Saan pumupunta ang manananggal?
5) Paano kinukuha ng manananggal ang sanggol?
6) Sino ang kinukuha ng mga sundalo?