FILIPINO BOOK: WAAAH! NAKAGAT AKO NG ASO (BITTEN BY MY PUPPY) WITH ENGLISH/TAGALOG SUBTITLES (1)
WAAAAh!
NAKAGAT AKO NG ASO
Kuwento ni Dr. Luis Gatmaitan
Guhit ni Jomike Tejido
(MUSIC)
Mga bata!
di ba't paborito nating pet ang mga aso?
Halos lahat na yata ng pamilyang Pinoy ay may alagang aso.
Hindi ka lang may alaga, may tagapagbantay ka pa ng bahay.
At dahil nakasanayan na nating kasa-kasama ang aso sa bahay, nalilimutan nating dapat din tayong maging maingat dito.
Araw-araw, napakaraming nagpupunta sa ospital o klinika dahil sa kagat ng aso.
Hindi ako nagbibiro!
Gaano ba kadelikado ang kagat ng aso at nagpapainiksyon tayo dahil dito?
Ano ang dapat nating gawin kung nakagat tayo ng aso?
Sundan natin ang kuwento ni Janella at ng alaga niyang si Bruna.
Nang manganak ang aso nilang si Queenie, wala nang inatupag ang magkakapatid na Arvin, Gio,
at Janella kundi silipin ang mga tuta nito.
Sabik na sabik na silang makalaro ang mga tuta!
Nagsipili pa sila ng kanilang mga paborito!
Hindi nagtagal, ipinamigay ni Mommy Grace ang tatlo sa anim
na tuta sa mga kaanak na nanghihingi ng mga ito.
Itinira na lang ang tatlong paborito ng mga bata.
"Bronson ang ipapangalan ko sa 'yo," sabi ni Kuya Arvin sa asong maigsi ang buntot.
"Ikaw naman ay tatawagin kong Zimatar," ani Kuya Gio sa asong puno ng batik ang katawan.
"Bruna ang ipapangalan ko sa iyo.
Ikaw ang babaeng Bruno!"
nangingiting sabi ni Janella sa tutang may tagping itim sa kanang tainga.
"Arf, arfl Arf, arf, arf!" kahol ni Bruna, na waring sumasang-ayon.
Mula noon, tuwing Sabado't Linggo, maghapong kalaro ni Janella si Bruna.
Siya ang nagpapakain dito.
Kandong-kandong niya ito habang anonood ng TV
Kung minsan, pati sa kama ay kasamang natutulog ni Janella si Bruna.
"Aba, anak, bitawan mo muna kaya 'yang si Bruna.
Pagpahingahin mo naman.
Pati ikaw, amoy-tuta na rin!"
saway ni Mommy Grace.
Pagkagaling naman ni Janella sa iskuwelahan, si Bruna agad ang hinahanap niya.
Diretso siya rito kahit hindi pa nakakapagpalit ng damit-pambahay.
Dahil sa alagang tuta, pati ang pag-aaral ay napapabayaan na ni Janella.
"Janella, natapos mo na ba ang homework mo?" tanong ni Mommy Grace.
"Mamaya na po, Mommy," sagot ni Janella. "Pagkatapos naming maglaro ni Bruna."
"Puro aso na lang ang inaatupag mo.
Wala pang bakuna si Bruna. Baka ka makagat."
"Hindi, Mommy. Mabait po si Bruna," katwiran naman ni Janella.
Minsan, habang kumakain si Bruna ay pinakialaman ito ni Janella.
Basta na lamang itong hinaltak mula sa kinakainang mangkok.
Biglang nagwala ang tuta, galit at waring mangangagat.
"GRR! RUFF, RUFF! RUFF, RUFF! RUFF, RUFF, RUFF!"
Nagulat si Janella. Binitawan ang tuta.
Mabuti na lamang at nandun ang Lola Letty niya.
"Bruna! Bruna!" saway nito sa tuta.
Agad niyakap ni Lola Letty ang apong nanginginig pa.
"Janella, huwag na huwag mong pakikialaman ang aso kapag kumakain.
Ikaw man ang biglang pahintuin habang sarap na sarap kang kumakain, magagalit ka rin.
Tignan mo, muntik ka nang makagat."
Napatango na lamang si Janella.
Pinanood na lamang niya sa di-kalayuan ang kumakaing tuta.
Hindi na muna niya ito nilaro.
Isang araw, gaya nang nakagawian, pagkagaling ni Janella sa eskuwelahan ay si Bruna agad ang hinanap.
"Bilis, Bruna, habulin mo ako!" hiyaw ni Janella.
Sumugod naman ang tuta at nilundag ang binti ni Janella.
Tawa nang tawa si Janella.
"Tama na, Bruna, nakikiliti ako!"
"Anak, nagawa mo na ba ang mga homework mo?" tanong ni Daddy Rowell, na bagong dating din galing opisina.
"Mamaya na po, Daddy," sagot ni Janella.
"Pagkatapos naming maglaro ni Bruna."
Kumuha si Janella ng panyong pula at iwinagwag ito sa harap ng aso.
Nang anyong kakagatin ni Bruna ang panyo, tumakbong papalayo si Janella.
Gigil na gigil namang humabol si Bruna.
Nabigla si Janella sa sumunod na nangyari.
Nang lundagin siya ni Bruna, aksidenteng dumiin ang pangil nito sa kanyang balat.
"Aray! Ano 'yun?"
Nakita ni Janella na may dugo sa kanyang binti.
Natakot siya bigla na baka pagalitan siya ng kanyang Daddy at Mommy.
Agad niyang pinuntahan ang dalawa niyang kapatid sa kanilang kuwarto.
"N-nakagat ako ni Bruna." Napapaiyak na si Janella.
"Patingin ... Naku, parang malalim ang kagat a!" sabi ni Kuya Arvin.
"S-sasabihin ko ba kina Daddy at Mommy?" kinakabahang tanong ni Janella.
"Naku, huwag! Baka mapagalitan tayo.
Baka bawalan na nila tayong makipaglaro sa mga tuta!" sagot agad ni Kuya Gio.
"Mali 'yun, Gio," agaw naman ni Kuya Arvin.
"Janella, dapat nating sabihin ito kina Mommy.
May sugat ka.
Sabi ng teacher ko, delikado raw ang kagat ng aso dahil baka may rabies."
"'Pag pinagalitan si Janella, tiyak damay tayong dalawa!" maktol ni Kuya Gio.
"Talagang ganun.
Hindi naman kasalanan ni Janella na basta na lamang siya nakagat ng aso," sagot naman ni Kuya Arvin.
Napagpasyahan nila na sabihin sa kanilang mga magulang ang nangyari.
Sinamahan nina Kuya Arvin at Kuya Gio si Janella.
"Ha? Nakagat ka ni Bruna?"
Nabigla si Mommy Grace sa narinig.
"Sige, ako nang bahala dito sa sugat mo, Janella.
Huwag ka nang umiyak, anak."
Nagmamadaling hinugasan at sinabon ni Mommy Grace ang sugat habang nakatapat ito sa dumadaloy na tubig sa gripo.
Nang malagyan ng gasa ang sugat, dinala nila si Janella sa klinika.
Tinanong ni Dr. Bunyi kung alaga o asong kalye ang asong nangagat.
"Alaga po namin. Pet dog," tugon ni Mommy Grace.
Inalam din ni Dr. Bunyi kung biniro ba muna ni Janella ang tuta bago siya nakagat o basta na lang ito nangagat.
"Nakikipaghabulan po si Janella sa tuta nang bigla itong nangagat," sagot naman ni Mommy Grace.
Matapos linisin ni Dr. Bunyi ang sugat, pinayuhan niya
"Sa karaniwang kagat ng aso, kadalasa'y itinatali o ikinukulong ang aso, at inoobserbahan sa loob ng sampung araw.
Kung makakakita ng pagbabago sa aso, halimbawa'y maging mabangis ito o matamlay, dapat iniksiyunan agad ng kontra-rabies ang pasyente.
Ngunit iba po ang tuta.
Hindi ito nagiging ulol o mabangis na gaya ng malalaking aso.
Ang tutang may rabies ay karaniwang makulit, ngunit mahirap makita ang pagkakaiba nito sa pangkaraniwang kakulitan ng mga tuta."
"A, ganun pala. Ano po ang mabuting gawin, Dok?" tanong ni Daddy Rowell.
"Obserbahan na lang po muna natin ang tuta sa loob ng sampung araw.
Kapag hindi ito namatay, walang rabies ang tuta. Hindi na kakailanganin ang iniksyon kontra-rabies.
Pero kailangan pa ring iniksyunan ngayon si Janella para sa tetano. Medyo malalim kasi ang sugat mula sa kagat ng aso."
"Anak, konting tiis muna.
Kailangan kang iniksyunan ngayon," malumanay na sabi ni Mommy Grace.
Panay ang iling ni Janella, ayaw magpa-iniksyon.
Naikuwento tuloy ni Dr. Bunyi ang isang pasyente niya.
"Noong makagat ng aso ang pasyente kong si Buboy, binale-wala ito ng mga magulang niya.
Kagat lang daw kasi ng aso 'yun.
Pinayuhan kong magpainiksyon para sa rabies pero hindi na sila bumalik.
Pagkalipas ng isang buwan, napansin nilang may kakaiba kay Buboy.
Ayaw niyang nahahanginan ng electric fan.
Ayaw ding maligo, takot mabasa ng tubig.
Nang dinala siya sa akin, huli na—may rabies na siya
kaya ipina-confine ko sa ospital."
"Dr. Bunyi, ano po ba ang rabies?" tanong ni Janella.
"Mikrobyong virus ito na ubod nang bagsik," paliwanag ni Dr. Bunyi.
"Kapag nakapasok ito sa katawan ng aso at umabot na sa utak nito, mauulol ang aso.
Kapag nakagat naman ng isang asong may rabies ang isang tao, papasok ang virus sa katawan niya at maglalakbay patungong utak.
Kapag nakarating na sa utak ang rabies, mauulol ang tao. At mamamatay."
"E, bakit po natakot si Buboy sa tubig at sa hangin?" tanong ni Mommy Grace.
"Dahil nahihirapan siyang huminga.
Kapag ang isang pasyenteng may rabies ay mahanginan o mabasa ng tubig, reaksyon ng katawan niya'y sarhan ang daanan ng hangin patungo sa kanyang baga."
"Nakakamatay po ba talaga ang rabies, Dok?" tanong ni Daddy Rowell.
"Oo. Kapag nakarating na sa utak ng tao ang virus na ito, nakakamatay talaga.
Kaya binabakunahan natin ang nakagat ng aso para hindi makarating sa utak ang rabies virus.
Sa kaso ni Buboy, namatay ito dahil sa rabies."
Hinila ni Janella ang braso ng mommy niya.
"Mommy, ayoko pong mangyari sa akin 'yung nangyari kay Buboy."
"Kaya nga tayo magpapabakuna kung makita natin ang sintomas ng rabies kay Bruna," sagot ni Mommy Grace.
"Pero ngayon kailangan mo pa ring magpainiksyon laban sa tetano, dahil nga may kalaliman ang kagat ni Bruna sa 'yo."
Marahang tumango si Janella.
Ipinikit na lang niya ang kanyang mga mata para hindi niya makita ang karayom ng iniksyon.
"Janella, anong gusto mong maging paglaki mo?" tanong ni Dr. Bunyi.
"Gusto ko pong maging doktor ng mga pets, kagaya ng kakilala namin na si Dra. Espie."
"Ah, isang veterinarian. Matatapang ang mga veterinarian. Matapang ka rin ba?"
Tumatango pa si Janella sa tanong nang nilagyan na ni Dr. Bunyi ng bulak ang pinag-iniksiyunan sa balikat ni Janella.
"Ang tapang pala ni Janella. Hindi man lang umiyak!" humahangang sabi ni Dr. Bunyi.
"Kaya may regalo ako para sa iyo—isang stuffed toy na aso."
"Wow, salamat po!" Ngumiti si Janella.
Nang gabing iyon, bago maghapunan, ikinuwento ni Daddy Rowell sa mga bata ang di niya malilimutang karanasan sa aso.
"Noong bata pa ako, nakagat ako ng aso ng kapitbahay namin. Iyak ako nang iyak!"
"E, Daddy, saan po kayo nakagat?" tanong ni Kuya Gio.
Natawa muna si Daddy Rowell bago sumagot. "Dito o, sa puwet!"
Naghagikgikan ang tatlong magkakapatid sa narinig. "Ay, sa puwet daw nakagat si Daddy!"
"Naku, ang masaklap,"dagdag ni Daddy Rowell, "kiniskisan ng Lola Letty ninyo ng bawang at asin ang lugar na kinagat.
Lalong humapdi. Lalong namaga!"
Napahinto sa pagluluto si Lola Letty nang marinig ang pangalan.
"Aba, e, anong masama roon?
Ganun ang kinalakihan ko sa mga ninuno ko. Ginaya ko lang.
E bakit, Rowell, mali ba yung ganun?"
"Inay, sabi po ni Dr. Bunyi, kapag nakagat daw po ng aso, ang unang dapat gawin ay paduguin ang sugat," masuyong paliwanag ni Daddy Rowell.
"Tapos, sabunin ito habang nakatapat sa dumadaloy na tubig sa gripo.
Tapos, dalhin daw ang pasyente sa doktor.
Walang binanggit na bawang at asin, Inay.
Lalo lang kasing mamamaga ang sugat dahil maiirita ito."
Tumango-tango si Lola Letty.
"A, ganun ba? E, ganun din ba ang gagawin kapag nakagat ng daga at paniki?"
"Wala pa daw pong kaso ng rabies sa ating bansa na dala ng kagat ng daga at paniki.
Aso at pusa lang po ang posibleng may dalang rabies dito sa Pilipinas.
Ngunit sa ibang bansa, posibleng magka-rabies sa kagat ng paniki, raccoon, skunk, fox, o iba pang mababangis na hayop."
"Pero Daddy, bakit pati pusa ay napasama?" tanong ni Janella.
"Madalas kasing maglaro o mag-away ang aso't pusa.
Kung may rabies ang aso at kumagat siya ng pusa, pati ang pusa ay magkaka-rabies na rin!"
"Naku, dapat din pala tayong mag-ingat sa mga pusa," dagdag ni Lola Letty.
Nagbilin si Daddy Rowell sa mga bata.
"Kaya mga anak, kung sakaling makagat kayo ng aso o kahit makalmot lamang ng pusa, magsabi kayo agad sa amin, ha?
Para magamot natin nang maayos ang sugat."
"Dapat po pala talagang pabakunahan na ang mga tuta," sabi ni Kuya Arvin.
"Oo, para ligtas sila sa mikrobyong rabies.
Kaya bukas na bukas din, pupunta tayo dun sa klinika sa kanto, kay Dra. Espie."
Maaga pa ay nasa klinika na sila ni Dra. Espie Dominguez.
Ang daming poster ng iba't ibang lahi ng aso sa loob.
May poster din sina Snoopy, Pluto, at Scooby-Doo.
May poster din ng iba't ibang mga pagkain at bitamina para sa aso.
Sa loob ay mayroon pang pasyenteng aso na naka-suwero.
Mayroon ding mga pasyenteng pusa.
"Ang gaganda naman ng mga tutang ito!" sabi ni Dra. Espie.
"Anong mga pangalan nila?"
"Ito po si Zimatar, ang pet kong batik-batik!" sagot agad ni Kuya Gio.
"Bronson naman po ang tutang maigsi ang buntot," sunod ni Kuya Arvin.
"Ito po si Bruna, 'yung may tagpi sa tainga.
Siya po ang nakakagat sa akin," sabi ni Janella.